Gat Andres Bonifacio, kasama sa panukala ni Cong. Nieto
- Howard Marquez
- Dec 1, 2021
- 4 min read
𝐏𝐀𝐆𝐊𝐈𝐋𝐀𝐋𝐀 𝐊𝐀𝐘 𝐀𝐍𝐃𝐑𝐄𝐒 𝐁𝐎𝐍𝐈𝐅𝐀𝐂𝐈𝐎, 𝐏𝐀𝐍𝐔𝐊𝐀𝐋𝐀 𝐍𝐈 𝐂𝐎𝐍𝐆𝐑𝐄𝐒𝐒𝐌𝐀𝐍 𝐍𝐈𝐄𝐓𝐎
Nobyembre 30, 2021, araw ng paggunita sa ika-isang daan limampu’t walong taon ng pagkabuhay ni Gat Andres Bonifacio. Ama ng rebolusyon at demokrasya ng ating bansa. Isang dakilang Filipino na nagbuwis ng kaniyang buhay upang ang Pilipinas ay mapalaya mula sa kamay ng mga dayuhan.
“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila. Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa. Aling pag-ibig pa? Wala na nga wala.” – Gat Andres Bonifacio
Ang kinatawan ng ikatlong distrito ng Maynila na si Yul Servo Nieto ay pinangunahan ang pagpasa ng mga resolusyon na naglalayong kilalanin pa ang dakilang si Gat Andres Bonifacio, hindi lamang sa kaniyang giting sa pakikipaglaban noong rebolusyon kundi pati na ang mga nagawa nito upang makamit ang inaasam na pangarap at layunin sa kabila ng pagiging salat sa pera at kakulangan ng edukasyon. Layon din ni Nieto na malaman ng lahat ang mga bagay na dapat isaalang-alang upang kilalanin din si Bonifacio bilang isa sa mga naging presidente ng ating bansa.
House Resolution no. 01416 o “A RESOLUTION DIRECTING THE GOVERNMENT OF THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES, THROUGH THE DIPLOMATIC EFFORTS OF THE DEPARTMENT OF FOREIGN AFFAIRS, TO TAKE FURTHER STEPS TO RECOVER AND PRESERVE THE “KATIPUNAN DOCUMENTS” FROM THE ARCHIVO MILITAR GENERAL DE MADRID, UNDER THE GOVERNMENT OF SPAIN.”
Ang layunin ng resolusyong ito ay makuha ang Katipunan Documents mula sa Madrid, Spain, dahil nilalaman ng mga dokumentong ito ang daan-daang mga mahahalagang papeles, ulat at sulat-kamay na mga liham nina Gat Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Pio Valenzuela at iba pang opisyales ng Katipunan.
Noong taong 2012, nakuha na ang digitalized copy ng mga ito na ngayo’y nasa pangangalaga ng National Historical Commission of the Philippines, ngunit mahalaga pa rin na makuha ang orihinal na kopya ng mga ito. Nakatala rito ang mga unang dokumento ng pagpapahayag ng ating kalayaan o “Declaration of Independence” makalipas ang tatlong daan at tatlumpong taon ng pananakop ng Espanya, pati na ang mga detalye patungkol sa uri ng konstitusyon at gobyerno na naitatag ng KKK sa ilalim ng pamumuno ng kanilang Supremong Pangulo na si Gat Andres Bonifacio.
House Resolution no. 2835 o “RESOLUTION EXPRESSING THE RECOGNITION OF ANDRES BONIFACIO AS THE FIRST PRESIDENT OF THE PHILIPPINES AND URGING THE PRESIDENT TO INSTITUTE THROUGH THE DEPARTMENT OF EDUCATION AND COMMISSION ON HIGHER EDUCATION SIGNIFICANT MEASURES TO DISSEMINATE AND PROPAGATE THE TRUTH ABOUT SUCH FACT IN HISTORY BOOKS, ELEMENTARY, HIGH SCHOOL AND TERTIARY EDUCATON, AND OTHER RELATED MEDIUM OF INFORMATION.”
Ang resolusyong ito ay nagnanais na kilalanin ang naging pamumuno ni Bonifacio sa ilalim ng itinatag na pamahalaang “Haring Bayang Katagalugan” at ang mga bagay na makapagpapatunay na ang gobyernong ito na umiral noon ay lihitimo.
Ang lahat ng kinakailangan upang makapagtatag ng isang tunay na Estado ay naroroon noong itinatag ang rebolusyong pamahalaan ng KKK, mayroon itong sariling paraan ng ugnayang panlabas, may malaking bilang ng populasyon, teritoryo at soberanya bilang isang lihitimong revolutionary government gayon din ang pamahalaan ni Bonifacio ay may mga departamento katulad ng mga nakikita natin sa kasalukuyang pamahalaan, mayroon silang tinatawag na Saclolohang Pagamutan at Kaawang Gawa ng Kataastaasa’t, Kamahalmalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan na kinapapalooban serbisyo gaya ng DSWD at DOH.
House Bill no. 10542 o “AN ACT MANDATING ALL COLLEGES AND UNIVERSITIES IN THE CITY OF MANILA WHETHER PUBLIC OR PRIVATE, TO INCLUDE IN THEIR COLLEGIATE CURRICULA COURSES DEVOTED TO THE LIFE, WORKS AND HEROISM OF GAT ANDRES BONIFACIO”
Nais ng House Bill na ito na anumang paksa ukol sa buhay ni Bonifacio, mga naisulat, at nagawa ay maituro sa lahat ng kolehiyo at unibersidad sa Lungsod ng Maynila. Ito ay upang maging inspirasyon sa bawat estudyante at nang sila ay magkaroon ng mas malalim na nasyonalismo at pagiging Makabayan.
House Bill no. 10557 o “AN ACT ESTABLISHING THE ANDRES BONIFACIO MUSEUM IN HIS HOMETOWN OF MANILA CITY”
Layunin nito na makatulong sa paglikha ng bagong salaysay at pananaw sa kanyang buhay at pamana. Isa ito sa pinakaepektibong paraan ng pagbibigay kaalaman lalo sa kabataan dahil mayroon silang kapasidad at kalayaan upang bumuo ng sarili nilang interpretasyon at pag-iintindi base sa kanilang nababasa at nakikitang mga larawan at dokumento.
Ayon kay Cong. Nieto, “Oras na para malaman ang lahat ng katotohanan tungkol kay Gat Andres Bonifacio, na siya’y higit pa sa isang matapang na mandirigmang nagsimula ng pag-alsa laban sa mga dayuhang nanakop sa kanyang inang bayan, siya ang tunay na Ama ng Demokrasya ng Filipinas at siya ang totoong unang Pangulo ng ating bansa. Ang mga panukalang batas na ito ay walang anumang layunin na guluhin ang naunang kaalaman natin tungkol sa ating kasaysayan, bagkus nais ng mga ito na itama ang matagal nang mali, at ipagmalaki at kilalanin natin ang Pambansang Bayani sa paraan na makakatulong sa mga susunod na henerasyon. Dahil ang kasaysayan ng isang bansa at kaalamanan ukol dito ay napakalaki ng epekto sa ating pagkatao bilang mga Pilipino.
Inaanyayahan ang publiko na mamulat sa ating kasaysayan, at humihingi tayo ng suporta mula sa Kongreso at Senado. Tayo na’t punan ang puwang ng kaalaman tungkol sa Pangulong Andres Bonifacio sa pamamagitan ng lubos na pagkakaisa kung paanong itinaguyod niya ang ating bansa laban sa mga dayuhan, siya naman ngayon ang ating ipaglaban.”
Kommentare